MANILA, Philippines — Anim sa 51 flood control projects na sinusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Davao City ang pinaghihinalaang “ghost projects,” ayon kay NBI Director Melvin Matibag.
Sinabi ni Matibag na sa halos 100 proyekto na kanilang siniyasat, 51 ang na-flag dahil sa mga umano’y iregularidad at anim dito ang itinuturing na ghost projects.
Natuklasan din ng mga imbestigador ang kahina-hinalang sistema ng pagpopondo, kabilang ang iisang geographic coordinate na nakatanggap ng pondo nang limang beses sa loob ng isang General Appropriations Act (GAA) budget year sa ilalim ng magkakaibang pangalan ng proyekto.
“Dalawang beses po pinondohan ng P21 million at tatlong beses na P22 million po,” sabi ni Matibag.
Binanggit din niya ang Genesis 88, isang kumpanyang iniuugnay umano sa mga malalapit kay Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, na sinasabing nakakuha ng tinatayang P7 bilyong halaga ng flood control projects ng DPWH mula 2018 hanggang 2024.
Nilinaw naman ng NBI na walang pamumulitika sa imbestigasyon dahil patuloy din nilang sinusuri ang mga flood control projects sa Bulacan, Mindoro, Cebu, Quezon, Tarlac, at La Union.
Ani Matibag, masusing rerepasuhin ang mga ebidensiya bago magsumite ng anumang kasong kriminal sa Department of Justice o Office of the Ombudsman.
Samantala, sinabi ni Duterte na welcome sa kanya ang imbestigasyon at hinimok din ang mga awtoridad na siyasatin ang iba pang lalawigan, kabilang ang distrito ni Laguna 1st District Rep. Ann Matibag.
Bilang tugon, hinamon ni Rep. Matibag si Duterte na magsampa ng kaso kung mayroon itong dokumento at video na magpapatunay ng iregularidad sa mga proyekto sa Laguna at nangakong makikipagtulungan siya sa anumang imbestigasyon.