System loss charges sa kuryente, alisin! – Pangulong Marcos

This photo shows a Meralco's electric meter.
STAR / File

MANILA, Philippines — Pinaaamyendahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang pasaning system loss at value-added tax (VAT) na ipinapasa sa mga konsyumer.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), iginiit ng ­Pangulo na panahon na upang wakasan ang pagbabayad ng mga mamamayan sa system loss na awtomatikong kinakarga sa kanilang bill at pinapatungan pa ng VAT.

Ayon kay Marcos, hindi kasalanan ng mga konsyumer ang pagkakaroon ng system loss, kaya’t hindi makataru­ngang sila pa ang magbayad nito.

“Therefore, we, the people, request—no, we demand—for the immediate amendment of the EPIRA, and to prohibit charging system loss against consumers including the value-added tax thereon,” giit ng Pangulo.

Kasabay nito, hiniling din ni Marcos sa Kongreso na ipasa ang “Sariling Kuryente Act” upang gawing simple, madali, at abot-kaya ang pagpapakabit ng solar panels at battery storage systems sa bawat tahanan.

Dahil sa kanyang pahayag, nakatanggap si Pangulong Marcos ng standing ovation mula sa mga dumalo sa SONA.

Show comments