ICI tuloy kahit 1 na lang miyembro - Palasyo
MANILA, Philippines — Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ituloy ang trabaho ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kahit isa na lang miyembro nito matapos magbitiw ang dalawang opisyal nito.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro matapos hingan ng komento tungkol sa pahayag ni ICI Special adviser Rodolfo Azurin na plano nilang sumulat sa Pangulo.
Ito ay para humingi ng linaw kay Marcos kung ano ang mangyayari sa ICI matapos ang pabibitiw ng dalawang opisyal nito.
Ayon naman kay Castro, sa ngayon ay walang anumang utos si Pangulong Marcos kung hindi ipagpatuloy pa rin ang mandato, pag-iimbestiga at maging fact finding committee ang ICI.
Kaya kung susulat aniya sila ay hihintayin lang ang kanilang panawagan para masagot ito ng Pangulo.
Sa ngayon aniya ang nais lang ni Pangulong Marcos ay magkaroon ng batas para magtatag ng independent commission na siyang tututok sa infrastructure projects.
Matatandaan na hinikayat ni Marcos ang Kongreso na magpasa ng panukalang Independent People’s Commission (IPC) Act.
Nauna na rin sinabi ni Senate President Tito Sotto na ang nasabing panukala ay maaaring maaprubahan ng Senado sa Pebrero.
- Latest























