^

Bansa

Comelec: Escudero ‘di pa abswelto sa campaign donation

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon
Comelec: Escudero ‘di pa abswelto sa campaign donation
Senate President Chiz Escudero on February 27, 2025.
STAR/ Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Hindi pa rin umano abswelto si Sen. Francis Escudero sa isyu ng pagtanggap ng campaign contribution mula sa government contractor noong 2022 elections.

Ito ay kahit nakapagsumite na ang senador ng paliwanag hinggil dito sa Commission on Elections (Comelec).

“At this point, not yet”, ito ang naging tugon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, nang matanong sa isang panayam sa radyo kahapon, kung abswelto na si Escudero sa isyu.

Ayon kay Garcia, ito ang dahilan kung bakit pinagpaliwanag nila ang senador, gayundin ang kontraktor na sangkot sa isyu at humingi pa ng kumpirmasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil dito.

Una nang inamin ni Escudero na tinanggap lamang niya ang P30 milyong donasyon para sa kanyang senatorial campaign noong 2022 polls mula kay Lawrence Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Inc., dahil sa paniniwalang ito ay pribadong pondo.

Ito rin naman ang naging paliwanag ni Lubiano, na nagsabing personal niyang pera ang ibinigay kay Escudero, at hindi mula sa pondo ng kanyang kumpanya.

Kaugnay nito, tiniyak ng poll chief na titimbangin nilang mabuti ang paliwanag ng mga ito at aalamin kung sapat ba itong depensa o maaaring magresulta sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code.

Muli rin namang iginiit ni Garcia na hindi niya sini-single out si Escudero sa isyu ng pagtanggap ng campaign contribution mula sa kontratista, at ipinaliwanag na napabilis lamang ang imbestigasyon sa mga ito matapos ang ginawang pag-amin ng mga ito.

Matatandaang ang pagtanggap ng isang kandidato ng campaign fund donation, mula sa kontratista ng pamahalaan ay isang paglabag sa Section 95 ng Omnibus Election Code (OEC) at may katapat na parusang isa hanggang anim na taong pagkabilanggo at perpetual disqualification sa paghawak ng anumang puwesto sa pamahalaan.

FRANCIS ESCUDERO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with