Marcos: ‘Di ako nakialam sa impeachment ni VP Sara
![Marcos: ‘Di ako nakialam sa impeachment ni VP Sara](https://media.philstar.com/photos/2024/01/02/9_2024-01-02_21-47-40.jpg)
Magpapatawag ng special session kung hihingin ng Senado
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala siyang kinalaman sa impeachment proceedings sa Kamara at Senado laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ng Pangulo na noong unang ginawa niya ang pahayag na tutol siya sa impeachment laban sa Vice President ay wala pang nakahain na impeachment sa Kamara.
“Walang role ang executive sa impeachment,” giit pa ng Pangulo.
Nilinaw din ni Marcos na kahit isa sa kanyang kaalyado sa Kamara ay walang naghain ng impeachment dahil na rin sa kanyang pakiusap subalit hindi na niya mapipigilan ang ibang grupo tulad ng Makabayan bloc, dating Senador Leila de Lima at ibang religious group na maghain ng impeachment.
Subalit sa sandaling maihain na rin aniya ang impeachment sa Kamara at Senado ay walang ibang choice kundi sundin ang proseso dahil mandato ito ng Kongreso.
Ang tanging napag-usapan lang nila ng kanyang mga kaalyado ay kung ano na ang mangyayari at plano ng Kamara dahil hindi na maiiwasan ang impeachment at naipasa na rin ito sa Senado.
Bahala na rin aniya ang Senado sa kung anong plano nitong gawin matapos na maitransmit ang impeachment complaint ng Kamara.
Maging ang kanyang anak na si Congressman Zandro Marcos aniya ay nagtanong kung ano ang kanyang opinyon sa kanya bago pumirma at sinabihan niya ito na nag-umpisa na ang proseso at kung ano ang kanyang mandato ay gawin niya bilang isang mambabatas.
“So its not defiance. Ganyan ang kanilang paniniwala. Sa kanilang paniniwala kailangang gawin ito. Kahit na sinabi ko na sana huwag na”
Hindi, hindi puwede, hindi naming pwedeng palampasin ito, ganoon ang thinking nila,” giit pa ni Marcos.
Handa namang magpatawag ng special session ang Pangulo para makapagsagawa ang Senado ng impeachment trial laban kay VP Duterte.
Ito ay kung hihilingin ng mga Senador dahil nag-adjourned na ang sesyon ng Kongreso.
Sa ngayon ay wala pa namang request ang mga Senador para sa special session.
- Latest