MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga deboto ng Poong Nazareno na gawing inspirasyon ang pagdiriwang ng Kapistahan nito na isang patunay ng pagkakaisa at samahan ng mga Pilipino.
Sinabi ng Pangulo na ang makasaysayang tradisyong ito ay nagbigay-daan upang mapagtanto ng mga tao ang lakas na nagpapahintulot sa atin na makatagpo ng pagkakaisa sa ating pananampalataya bilang isang bayan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Marcos na ang pagbubuhat ng imahe ni Hesus Nazareno at ang Kanyang krus ay nagpapaalala sa atin ng dakilang sakripisyo na pinagdaanan ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa Kanyang buhay.
‘’Moreover, it also speaks of the immense power and compassion of God who walks with us and hears our prayers, especially in our time of need,’’ ayon pa kay Marcos.
Ang napakalaking pagtitipon aniya ng mga Pilipino sa mga kalye ng Maynila ay isang patunay ng pagkakaisa at samahan ng mga Filipino.
Kasabay nito, hinikayat ng Pangulo ang publiko na pagtagumpayan ang mga hamon na sumusubok sa kanilang determinasyon gamit ang pananampalataya at biyaya, at maging bukas-palad sa pagtulong sa mga nangangailangan ng kabutihang-loob at malasakit sa panahon ng Kapistahan.
Ayon kay Marcos, ang bawat Pilipino ay nagsisilbing huwaran ni Hesus Nazareno sa kanilang pang-araw-araw na buhay bilang mga tagapagdala ng pag-asa, mga tagapamayapa, at mga tagapagtayo ng lipunan.
Nagsimula ang Traslacion ng 4:41 am nang umalis ang Andas sa Quirino Grandstand sa Maynila.