MANILA, Philippines — Nasa 38 lugar sa bansa ang tinukoy ng Commission on Elections (Comelec) bilang areas of concern na nasa ilalim ng ‘red category’ para sa 2025 National and Local Elections (NLE) bunsod na rin ng seryosong banta doon.
Ayon sa Comelec, 32 ay matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), tig-2 sa Cagayan Valley at Bicol Region, at tig-1 sa Western at Eastern Visayas.
Samantala, mayroon ding 177 areas of concern na nasa orange category; 188 sa yellow; at 1,239 sa green.
Sa ilalim ng orange category, 48 lugar ang nasa Bicol; 22 sa BARMM; 17 sa Caraga; 16 sa Central Visayas; 15 sa Cagayan Valley; 13 sa Eastern Visayas; 12 sa Mimaropa; 11 sa Soccsksargen; siyam sa Western Visayas; 8 sa Northern Mindanao; tatlo sa Zamboanga Peninsula; at tig-isa sa Central Luzon, Calabarzon at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa ilalim ng yellow category, 49 ang matatagpuan sa BARMM; 22 sa Northern Mindanao; 19 sa Ilocos; 18 sa Zamboanga Peninsula; tig-13 sa Central Luzon at Eastern Visayas; 11 sa Caraga; 10 sa CAR; siyam sa Cagayan Valley; tig-pito sa Calabarzon, Western Visayas at Central Visayas; dalawa sa Soccsksargen; at isa sa Mimaropa.
Ang mga election areas of concern classification ay mayroong apat na kategorya - green, yellow, orange at red.
Ang green ay tumutukoy sa mga lugar na walang security concerns at generally peaceful at orderly habang ang mga yellow ay may kasaysayan ng election-related incidents sa nakalipas na dalawang halalan, posibleng may employment ng private armed groups, at pagkakaroon ng election-related incidents.
Ang mga nasa orange ay mga areas of immediate concern kung saan mayroong seryosong armed threats habang ang mga lugar na nasa red ang mga areas of grave concern na may pinagsamang factor sa ilalim ng yellow category at serious armed threats. Ikinukonsidera sila ng poll body na maisailalim sa Comelec Control.
Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, ang mga naturang lugar ay unang inirekomenda ng PNP at AFP na maisama sa areas of concern, at inaprubahan ng Comelec en banc.