Pangulong Marcos inalis VP, ex-presidents sa National Security Council

Ferdinand Marcos Jr.

MANILA, Philippines — Tinanggal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang miyembro ng National Security Council (NSC) ang Bise Presidente at mga dating Pangulo.

Sa inilabas na Exe­cutive Order No. 81 na nilagdaan ni Executive Sec. Lucas Bersamin, layon ng reorganisasyon na gawing mas episyente at epektibo ang membership ng NSC.

Sabi ni Bersamin, sa ngayon ay hindi ikinokonsiderang relevant ang bise presidente sa mga responsibilidad ng konseho.

“EO 81 s. 2024 is issued to reorganize and streamline the membership of the NSC. At the moment, the VP is not considered relevant to the responsibilities of membership in the NSC. Nonetheless, when the need arises, the EO reserves to the President the power to add members or advisers,” mensahe ni Bersamin.

Dahil sa reorganisas­yon, ang NSC ay bubuuin na ngayon ng executive committee ng Presidente, Executive Secretary, Senate President o kanyang kinatawan, House ­Speaker, National Security Adviser, at mga kalihim ng DFA, DOJ, DND at DILG.

Magsisilbi pa ring chairman ng council ang Presidente ng Pilipinas at miyembro ang Senate president, House ­Speaker, Senate president pro-tempore, tatlong House deputy speakers, Senate’s Majo­rity at Minority Floor leaders, at House Majority at Minority Floor leaders.

Kasama rin ang mga chairman ng Se­nate Committees on Foreign Relations, National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation; Public Order and Dange­rous Drugs, House Committees on Foreign Affairs, National Defense and Security, at Public Order and Safety.

Maaari rin dumalo sa pulong ng NSC ang director-general ng National Intelligence Coordinating Agency, chief of Staff ng AFP, PNP Chief at NBI Director.

Show comments