Marikina, tanging lungsod sa MM na mababa kita – COA
MANILA, Philippines — Tanging ang Lungsod ng Marikina sa lokal na pamahalaan sa National Capital Region ang mayroong fiscal deficit na P64.28 milyon o mas malaki ang expenses kumpara sa kita sa taong 2023, ayon sa isang ulat ng Commission on Audit (COA).
Paliwanag ng ilang eksperto, dahil sa deficit, lalong nababaon sa utang ang isang lungsod at nagiging limitado ang mga programa at serbisyo para sa mga mamamayan nito.
Sa kaso ng Marikina, ang deficit ay lumitaw matapos maikumpara ang mga inaasahang kita ng lungsod sa mga gastusin nitong taon.
Ayon sa COA, ang lungsod ay nahirapan sa pagpapataas ng mga lokal na kita, at hindi rin natugunan ang mga target na revenue collections, kaya’t nagkaroon ng budgetary shortfall.
Batay pa sa report ng COA, ang fiscal deficit ng lungsod ay naitala sa tatlong magkakasunod na taon: P379 milyon noong 2021, P415.4 milyon noong 2022, at P64.28 milyon noong 2023. Sa parehong taon, iniulat din na may kabuuang utang ang Marikina na umabot sa P3.6 bilyon.
Kulelat din ang Marikina sa Annual Revenue Income growth o taunang paglago ng kita ng lokal na pamahalaan noong 2023, ayon sa inilabas na bagong ulat ng Department of Finance-Bureau of Local Government Finance.
Sa 17 local government units sa Metro Manila, pang-14 sa koleksiyon ng kita ang Marikina na nasa P1.58 bilyon lang.
Nitong Hulyo, naglabas ng pahayag si Marikina Mayor Marcy Teodoro sa Facebook post na nagpapaliwanag sa utang ng mga nakalipas na administrasyon kaya malaki ang binabayaran ng lungsod.
“Wala naman tayong utang talaga eh ano. Wala ah, Ikinakalat ng Iba na may utang tayo...,” aniya sa FB post.
- Latest