MANILA, Philippines — Humabol bago magtapos ang taong 2024 ang ikatlong impeachment na inihain nitong Huwebes sa Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y dalawang araw bago ang holiday break ng Kongreso kaugnay ng pagdiriwang ng Kapaskuhan kung saan nakatakdang magbalik muli ang sesyon sa Enero.
Ang ikatlong reklamo laban kay VP Sara ay inihain sa tanggapan ni House Secretary General Reginald Velasco ng grupo ni Atty. Amando Ligutan, mga kasamahan nito sa religious groups at koalisyon ng mga pari na inakusahan si VP Sara ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, plunder and/or malversation, bribery, graft and corruption at iba pa.
Ang 70-pahinang reklamo ay kaugnay ng umano’y hindi tamang paggasta ng P612.5 milyong confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at DepEd sa panahon ng kaniyang panunungkulan simula huling bahagi ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.
Ang kaso ay nag-ugat sa imbestigasyong isinagawa ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Inindorso naman ni Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado Jr., Deputy Minority Leader at AAMBIS-OWA Partylist Rep. Lex Anthony Cris Colada ang impeachment.
Ayon kay Ligutan, 12 mga pari, miyembro ng clergy, abogado at mga miyembro ng non-government organizations ang lumagda sa reklamo.
“This decision is not made lightly but with a deep sense of responsibility to ensure accountability at the highest levels of government,” saad ni Bordado.
“Her inflammatory statements and apparent disregard for transparency and due process constitute grounds for impeachment,” giit pa ni Bordado na walang sinuman ang puwedeng humigit sa batas.