MANILA, Philippines — Sisilipin ng Senado ang umano’y napakalaking price surge na sinisingil ng Grab Car sa mga pasahero nito, lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Nakatakdang magsagawa ng hearing sa susunod na linggo ang Committee on Public Services at Committee on Local Governments ukol sa napakaraming reklamo sa price surge ng Grab.
Bago rito, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz na nagsasagawa na ang ahensiya ng imbestigasyon ukol sa algorithm na ginagamit ng Grab para kuwentahin ang pamasaheng sinisingil sa mga customer.
Ayon kay Guadiz, base sa paunang pag-aaral ng LTFRB, masyadong malaki ang algorithm na ginagamit ng Grab kaya nais ng ahensiya na bawasan ang surge fees na sinisingil nito.
“Ang formula nila, iyon ang kinukuwestiyon ko ngayon. Baka gawin na lang uniform rate o i-reduce ang surge fees by as much as 50 percent,” ani Guadiz.
Kapag napatunayan na malaki nga ang singil ng Grab, may kapangyarihan ang LTFRB na kanselahin ang permit nito. Maaari ring pagmultahin ng Philippine Competition Commission (PCC) ang Grab sa paglabag sa mga kasunduan ng merger nito sa Uber noong 2018.
Nauna rito, kinuwestyon ni Sen. Raffy Tulfo ang napakalaking singil sa pasahe o price surge ng TNVS lalo na ang Grab ngayong holiday season.