Metro Manila naghanda sa hambalos ni ‘Pepito’

Wala halos nakatayong mga bahay sa Viga, Catanduanes matapos hambalusin ng super bagyong Pepito.
Jeffrey AquinoVillarey Velasco

MANILA, Philippines — Naghanda ang iba’t ibang local government units sa Metro Manila bunsod ng inaasahang pananalasa ng bagyong Pepito sa Luzon.

Sa Quezon City, inutos ng QC-LGU ang pre-emptive evacuation sa mga flood-prone barangays na kinabibilangan ng Barangays Masambong, Del Monte, Sto. Domingo, Talayan, Damayan at Mariblo sa District 1; Bagong Silangan sa District 2; Tatalon, Damayang Lagi, at Roxas in District 4; at Apolonio Samson sa  District 6.

Pre-emptive evacuation din ang utos ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente na malapit sa dagat.

Inihanda rin ang mga rescue boats sa Barangay Sto. Niño in Marikina City sa mga residente na nagnanais na mailikas.

Sa Navotas, ­siniguro ng mga mangingisda na mahigpit ang pagkakatali ng kanilang mga bangkang pangisda upang hindi tangayin ng  hangin at alon na dulot ng bagyong Pepito.

Ipinagbawal din ang paglalayag sa Manila Bay.

Sa 2 pm report ng PAGASA, nasa ilalim ng signal No. 2 ang Metro Manila. Signal No. 5 naman sa southern portion ng Aurora, southern portion ng Quirino at southern portion ng Nueva Vizcaya.

Samantala, nag-landfall sa Dipaculao, Aurora kahapon ng 3:20 ng hapon si Pepito.

Sa 5:00 pm weather bulletin, ang mata ng bagyo ay nasa bisinidad ng Nagtipunan, Quirino.

Dala nito ang lakas ng hangin na 185 kph at bugso na 305 kph. Kumikilos si Pepito sa bilis na 25 kph.

Si Pepito ay inaasahang lalabas ng kalupaan ng Luzon gabi ng Linggo o Lunes ng umaga. Sa panahong ito, hihina ang bagyo at tutungo sa direksyon ng west northwestward ng West Philippine Sea ngayon at lalabas ng Philippine Area of ­Responsibility ngayong Lunes ng umaga o tanghali.

Show comments