MANILA, Philippines — Isang pagdinig ang isasagawa ngayong umaga sa Kongreso hinggil sa reklamong inilapit ng mga local appliance manufacturers kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist laban sa mga produktong galing China.
Ayon kay Rep. Tulfo na inimbitahan ang iba’t ibang local appliance manufacturers ng Pilipinas sa pagdinig ngayong umaga ng House Committee on Trade and Industry dahil sa kanilang sumbong noong nakaraang buwan na pinapatay ng mga produktong galing China ang mga produkto ng Pilipinas.
“Halos 300,000 na manggagawang mga Pinoy ang mawawalan ng trabaho kung magsasara ang mga factory ng mga local appliance brands dahil sa pagpasok ng mga Chinese products sa bansa,” ayon kay Cong. Tulfo.
“At dahil nga inoorder online sa pamamagitan ng Shopee o Lazada, hindi na dumadaan sa DTI for inspection ang mga binibili na appliances,” ayon pa kay Tulfo.
Dagdag pa ni Cong. Tulfo, “Papaano makikipagkumpitensya ang mga local brands natin kung ang mga inoorder online ay hindi na dumaan sa inspeksyon o di kaya’y nagbabayad ng buwis?”
Para naman kay ACT-CIS Cong. Edvic Yap, “Pag hindi natin magawan ng paraan ang problemang ito, hindi makatarungan na magsasara ang mga kumpanyang Pilipino at marami ang mawawalan ng trabaho dahil lamang sa mga mumurahin ngunit hindi siguradong kalidad na produktong galing China.”