P15 trilyon na utang ng Pinas
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Linggo, Nobyembre 10 ang mga economic managers ng bansa na maghinay-hinay sa pag-utang sa gitna nang patuloy na paglobo ng utang ng bansa na nasa P15 trilyon na.
Inulit ni Pimentel ang kanyang pagkabahala at panawagan sa gobyerno na suriing mabuti ang mga utang panlabas ng bansa upang maiwasan ang posibleng pangmatagalang panganib sa pananalapi.
Sa pagsisimula ng deliberasyon ng Senado sa P6.352 trilyong pambansang badyet para sa 2025, binigyang-diin ni Pimentel ang pangangailangan ng economic managers na magkaroon ng disiplina sa pananalapi upang maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo ng publiko.
“Yung utang natin lumalaki ng lumalaki pero ung economic managers natin parang ‘di sila worried sa utang“ ani Pimentel.
“Eh worried ako sa utang kasi nakikita ko ‘yung number, ‘yung binabayaran natin kada taon, palaki na rin ng palaki sa principal at saka interes… Nakakatakot para sa akin kasi kada piso, o let say kada P100 na kita ng gobyerno, siguro P15 to P20 ang binabayad natin sa utang,” ani Pimentel.
Hindi aniya dapat balewalain ang paglaki ng utang dahil sa halip na mapunta sa tao ang revenue ng gobyerno na mapupunta sa pagbabayad ng porsiyento.
- Latest