Duque inabswelto ng Ombudsman sa P41 bilyong COVID-19 fund transfer
MANILA, Philippines — Dinismis ng Office of the Ombudsman ang kasong administratibo na kinasasangkutan ni dating Health Secretary Francisco Duque III kaugnay nang umanoy illegal na paglilipat ng P41-bilyong pondo ng Department of Health (DOH) para sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) noong taong 2020.
Gayunman, kasong administratibo lamang ni Duque ang naibasura ng Ombudsman dahil nananatiling nakasampa ang kasong kriminal nito sa Sandiganbayan na kasong katiwalian kaugnay ng naturang transfer.
Batay sa criminal information na naisampa sa Sandiganbayan, ang paglilipat ng P41 bilyong pondo ng DOH sa PS-DBM noong taong 2020 noong panahon ng pandemic ay illegal at walang basehan para maisagawa ang fund transfer.
Ang pondo ay sinasabing pambili ng medical supplies noong pandemic katulad ng detection kits, nucleic acid extraction machine, mechanical ventilator, personal protective equipment, surgical mask, cadaver bag at ibat ibang test kits
Sinasabing pinayagan ni Duque na mailipat ang pondo kahit na hindi naman ito nakatulong na mapadali ang pagpapatupad ng proyekto at maaari namang maisagawa ng DOH ang procurement.
Hindi rin umano nagkaroon ng kasunduan sa naturang fund transfer at hindi naisumite ang required certifications ng liquidation ng transfer bago naipalabas ang naturang pondo.
Sa kasong graft na ito ni Duque ay kapwa akusado dito si dating Budget Undersecretary Christopher Lao.
- Latest