Nang-agaw ng mikropono sa plenaryo
MANILA, Philippines — Dahilan sa pang-aagaw ng mikropono sa plenaryo, sinampahan na ng reklamo ng dalawang babaeng Kongresista sa House Committee on Ethics si Agri Partylist Rep. Wilbert Lee.
Personal na naghain ng joint complaint affidavit sina Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo at BHW party list Rep. Angelica Natasha-Co laban kay Lee hinggil sa nangyari noong Setyembre 25, 2024 sa Kamara.
Giit ni Co, bukod sa disciplinary measures laban kay Lee, kailangan din nitong humingi ng public apology at alisin ang mga social media post nito hinggil sa pangyayari.
Sa panig naman ni Quimbo, sinabi nitong hindi katanggap-tanggap na isang miyembro ng Kamara ang nambu-bully ng kapwa Kongresista tulad ng ginawa ni Lee.
“The incident caused emotional distress. Makikita sa video na kami ni Cong. Nikka ang talagang naapektuhan. Right after the termination of the DOH budget hearing, nag-iyakan kami ng mga sponsors, Hindi po ‘yun tears of joy tulad ng inakala ng marami, kung hindi tears of fears. Si Cong. Nikka, makalipas ang isang oras, dahil sa stress, nag-collapse,” ayon pa kay Quimbo.
Sa deliberasyon ng panukalang budget ng DOH noong Setyembre 25, nakatayo si Quimbo malapit kay Angelica Co na nagdedepensa ng budget nang lumapit umano si Lee. Dinuro-duro umano ni Lee si Quimbo at nagbanta na “Magwawala ako kapag hindi niyo ako pinagsalita.”
Dahil sa takot ay napatago si Quimbo sa podium habang si Angelica Co naman ay hindi alam kung ano ang gagawin. Habang kinakalma ang sarili ay hinimatay si Angelica Co.Iginiit ni Angelica Co ang kahalagahan na magsampa ng reklamo upang hindi na ito muling maulit.
Bilang tugon, sinabi ni Lee, na isa na ngayong senatorial aspirant sinabi nito na handa siyang harapin ang reklamo nina Quimbo at Co sa House Ethics Committee.