Libreng PhilHealth coverage sa solo parents pinuri ni Bong Go
MANILA, Philippines — Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapatupad ng libreng PhilHealth coverage solo parnts at kanilang mga anak, alinsunod sa Republic Act No. 11861, o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.
Isa si Sen. Go sa mga may-akda at co-sponsor ng nasabing batas na awtomatikong isinama ang solo parents sa National Health Insurance Program na nagbibigay ng kinakailangang healthcare support para sa isa sa pinakabulnerableng sektor sa lipunan.
Sa Circular 2024-0020, nilinaw ng PhilHealth na ang solo parents ay awtomatikong maisasama bilang principal member sa ilalim ng kategoryang “indirect contributor”, na may partikular na “solo parent” subtype.
Tinitiyak nito na ang parents at kanilang mga anak ay maaaring ma-access ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan nang walang babayarang karagdagang financial contributions.
“This is a healthcare win for solo parents. Alam kong hindi madali ang maging solo parent, pero sa tulong ng batas na ito, masisiguro nating may sapat na suporta silang makukuha mula sa gobyerno, lalo pagdating sa kalusugan ng kanilang pamilya,” sabi ni Go.
Nilinaw pa ng PhilHealth na kailangan munang kumuha ng valid Solo Parent Identification Card (SPIC) ang solo parents mula sa kani-kanilang local government units bago i-update ang kanilang membership sa PhilHealth.
Ang card na ito ay magsisilbing paunang rekisitos para awtomatikong maisama sa ilalim ng expanded coverage.
Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtiyak sa accessible healthcare para sa lahat, lalo sa mga solong magulang na nahaharap sa mga hamon.
- Latest