MANILA, Philippines — Pormal nang nanumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Cavite Governor Jonvic Remulla bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ang oath-taking ay ginawa sa Malakanyang ilang oras bago tumulak ang Pangulo para sa 44th at 45th ASEAN Summits and Related Summits.
Sinabi ni Remulla na tinanggap niya ang hamon ni Pangulong Marcos na pangasiwaan ang DILG para makatulong hindi lamang sa kanyang lalawigan kundi sa buong bansa.
Sa simula pa lamang aniya ay adhikain na niya na palakasin ang kakayahan ng lokal na pamahalaan at ng pambansang pulisya para maging pantay ang karapatan ng lahat tungo sa mas mabuting kinabukasan.
Matapos ang 29 taon na nagsisilbi sa lokal na pamahalaan ng Cavite, iiwan niya itong maayos ang kalagayan at bilang patunay ay kinilala ang lalawigan bilang pinaka business friendly province sa Pilipinas.
Pinasalamatan naman niya ang kanyang mga kababayan sa pagsuporta sa kaniyang buong panahong pagseserbisyo sa lalawigan.
Ang dati rin aniyang nakagawian na pag-aanunsiyo ng hashtag na walang pasok season ay hindi na lamang sa Cavite kundi maging sa buong PIlipinas na.