Philippine passport ni Alice Guo kinansela na ng DFA
MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes na kanselado na ang Philippine passport ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa isang press statement, sinabi ng DFA na ang kanselasyon ng pasaporte ni Guo ay nagkabisa noong Setyembre 30, 2024 sa bisa ng Seksyon 10 (b) (4) ng Republic Act No. 11983 o ang New Philippine Passport Law.
Sinabi rin ng DFA na agad silang umaksiyon matapos matanggap ang certification na ipinalabas ng National Bureau of Investigation, kung saan tumugma ang biometrics ni Alice Leal Guo sa biometrics ng Chinese national na si Guo Hua Ping sa Passport Database.
Ang isang pasaporte ay maaaring tanggihan, kanselahin, o patawan ng restrictions kung ito ay mapanlinlang na nakuha, na-tampered o mali ang pagkakabigay.
Sinabi pa ng DFA na ito ay nakatuon sa pagtataguyod ng seguridad at integridad ng Philippine passports.
Tiniyak din ng DFA sa publiko na ang mapanlinlang na aplikasyon at pagkuha ng mga pasaporte ay ire-refer sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Matatandaan na isang quo warranto petition na ang inihain laban kay Guo sa korte ng Maynila at may petisyon na rin para kanselahin ang kanyang birth certificate sa isang korte sa Tarlac.
Nahaharap din siya sa kasong tax evasion sa Justice Department.
Sa kabila ng mga ito, inanunsiyo ng abogado ni Guo na muli itong tatakbo sa midterm election.
- Latest