MANILA, Philippines — Ipapatawag sa pagdinig sa Senado ang ilang local civil registries na napaulat na nag-isyu ng mga birth certificates sa pamamagitan ng late registration sa mga foreign nationals.
Sa Senate Resolution No. 1200 na inihain nina Senators Loren Legarda at Raffy Tulfo, binanggit ang ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa 1,200 foreigners na pinaniniwalaang mga Chinese nationals ang nakakuha ng birth certificates sa pamamagitan ng late registration sa Sta. Cruz, Davao del Sur simula noong 2016 kung saan ang ilan sa kanila ay pinaghihinalaang may criminal records.
Natukoy naman ng National Security Council (NSC) na ang mga ipinalabas na birth certificates ng mga corrupt civil registrars sa mga nagbayad na banyaga ay nagamit para makakuha sila ng Philippine passports.
Binanggit din ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na noong 2022, 1.3 milyon births ang nairehistro ng tama sa oras samantalang nasa 127,919 births ang inirehistro 30 araw o higit pa matapos ipanganak.
Kadalasan na ang birth certificates sa pamamagitan ng late registration ay para sa mga Filipino na nakatira sa malayong lugar o mga indigenous areas na hindi kaagad nakakapag-parehistro.
Ayon pa kina Legarda at Tulfo, nakakaalarma ang data ng PSA kaugnay sa discrepancies sa birth certificate registration kabilang na ang 308 fake birth certificates na ginamit sa passport applications sa pagitan ng Enero hanggang Setyembre 2023.