MANILA, Philippines — Pinatawan ng contempt nitong Biyernes ng gabi ng Quad Committee ng Kamara ang negosyanteng si Tony Yang, kapatid ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang dahil sa pagsisinungaling sa mga ka-tie up ng negosyo nito na ginagawang front sa mga illegal na aktibidades na iniuugnay sa POGOs.
Ito’y kasunod ng mosyon ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez na patawan ng contempt si Yang dahil sa pagtangging kilala nito ang kaibigang si Allan Lim na lumilitaw na kasosyo nito sa negosyo ng rice milling.
Base sa inisyal na desisyon ng mega panel si Yang ay ipinakukulong sa Quezon City Jail pero sa pagtatapos ng pagdinig nitong Biyernes ng gabi ay napagkasunduan ng mga mambabatas na ipakulong na lang ito sa detention facility ng PAOCC.
Samantalang itinanggi rin ni Yang sa masusing pagtatanong ni Fernandez na kasabwat ito sa dalawang drug personalities.
Ayon sa solon binigyan na ng pagkakataon si Yang pero mas pinili pa rin nito ang pagsisinungaling.
Ipinakita rin sa pagdinig ang isang video na hindi iniinspeksiyon si Yang sa Bureau of Immigration at hindi rin nito nirerespeto ang mga opisyal dito. Nakatakda namang magpatuloy muli ang imbestigasyon ng Quad Comm sa susunod na linggo.