MANILA, Philippines — SIniguro ng Toll Regulatory Board (TRB) na hindi sila maniningil ng penalty sa mga hindi susunod sa paglalagay ng Radio Frequency Identification (RFID) sa kanilang mga sasakyan.
Pahayag ito ng TRB sa kabila nang sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na sisimulan na sa Enero ang paniningil ng multa sa mga sasakyang walang nakakabit na RFID.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni TRB executive director Atty. Alvin Carullo, aayusin muna ang operation issues ng mga toll operators.
“Pag-aaralan po namin, kung sa dumating January natin talagang hindi pa rin nakakamit nila iyong tinatawag natin na efficiency ng ating toll operation system, maaari po na i-differ pa natin ng further,” ayon kay Carullo.
Nasa P1,000 ang multa para sa first offense, P2,000 sa second offense at P5,000 sa subsequent offenses.
Tiniyak naman ni Carullo na pagmumultahin ang mga toll operators kung mabibigo silang ayusin ang kanilang sistema.