MANILA, Philippines — Binuweltahan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa si Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop matapos akusahan na nagtatago siya sa likod ng saya ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa mga isyu ng drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, hindi siya nagtago sa likod ng saya ng kanyang ina nang makipaglaban siya sa mga terorista at sa mga nagliliparang bala ng mga rebelde kaya walang dahilan para magtago siya sa saya ng sinuman.
Sinabi pa ni Dela Rosa na wala siyang dahilan para magtago kaninumang saya dahil hindi naman siya kayang patayin ng mga salita ni Acop.
“I am alright sir! I did not hide from the skirt of my mother when I fought the terrorists and the insurgents with bullets flying all over, then why should I hide from somebody’s skirt now knowing that your words can not kill me?” ani Dela Rosa.
Ipinaalala pa ni Dela Rosa kay Acop na kapwa sila nagtapos sa iisang Academy at pareho silang nagsilbi sa isang ahensiya.
“My response to Cong Acop: You and me were both raised by the same Academy. You and me both served the same branch of service,” ani Dela Rosa.
Nauna rito, inakusahan ni Acop na nagtatago si Dela Rosa sa likod ng saya ni VP Duterte matapos nitong sabihin na ang testimonya ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa quad committee laban sa kanya ay bahagi ng “demolition job” kung saan ang target ay ang bise presidente at ang mga kaalyado nito bilang paghahanda sa 2028 elections.