Paglilipat kay Alice Guo sa Pasig Jail, inutos ng korte
MANILA, Philippines — Ipinalilipat na ng hukuman sa Pasig City Jail si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Batay sa commitment order ni Pasig City Regional Trial Court Branch 167 Presiding Judge Annielyn Medes-Cabelis, ipinag-utos nito na mailipat si Guo sa female dormitory ng Pasig City Jail, mula sa custodial facility ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.
May kinalaman ito sa qualified trafficking case na kinakaharap ni Guo, kaugnay ng operasyon ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Bamban na dati niyang nasasakupan.
Bukod kay Guo, ipinag-utos na rin ng hukuman na mailipat ng Pasig City Jail Male Dormitory ang kanyang kapwa akusado na si Walter Wong Long mula sa Tarlac Provincial Jail.
Dahil isang non-bailable case, hindi pinapayagan ng hukuman na maglagak ng piyansa ang mga akusado para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Samantala, inisyuhan din naman ng hukuman ng warrant of arrest ang iba pang akusado na nakakalaya pa.
Kabilang dito sina Huang Zhiyang, Rachelle Joan Malonzo Carreon, Zhang Ruijin, Baoying Lin, Yu Zheng Can, Dennis Cunanan, Jamielyn Cruz, Roderick Pujante, Juan Miguel Alpas, Merlie Joy Castro, Rita Yturralde, Rowena Evangelista, Thelma Laranan at Maybelline Millo alyas Shana Yiyi.
Nabatid na nakitaan ng Pasig RTC ng probable cause ang lahat ng akusado upang litisin kaugnay ng mga krimeng isinampa laban sa kanila.
Itinakda na rin naman ng hukuman ang arraignment at pre-trial conference para kina Guo at Long sa Setyembre 27, ganap na alas-8:30 ng umaga.
- Latest