Yulo tumanggap ng higit P14 milyon cash prize sa Kamara

Nag-courtesy call sina 2024 Paris Olympic gymnastics double gold medalist Carlos Yulo, boxing bronze medalists Nesthy Petecio at Aira Villegas, kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez bago igawad sa mga ito at sa buong koponan ng Pilipinas sa Paris, ang pagkilala at cash incentives sa isang simpleng seremonya sa Romualdez Hall ng Kamara, kahapon.
STAR/File

MANILA, Philippines — Tumanggap si Pinoy Olympic gold medalist Carlos Edriel Yulo ng mahigit P14-M cash sa Kamara habang tig P3.5-M ang dalawang boxers na nakasungkit ng bronze medal sa katatapos na Paris Olympic 2024.

“You are our heroes, there is no limit to what we can achieve,” pahayag ni Romualdez.

Ginawaran din si Yulo ng Congressional Medal of Excellence at Congresssional Medal of Distinction alinsunod sa pinagtibay na House Resolutions 233 at 240.

Umabot naman sa mahigit ­P14.010-M ang nakuhang cash prize ni Yulo, tig P3-M sa bawat medalyang ginto.

Sinorpresa naman ni Romualdez si Yulo na sinabing bukod sa P6-M ay nag-ambagan ang mga Kongresista na nakalikom ng karagdagang P8.10-M.

Bago tumulak si Yulo patungong Paris ay una na itong pinabaunan ng Kamara ng P500,000.

Ang mga boxing Bronze medalists na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas na kababayan ni Romualdez sa Tacloban City ay tumanggap naman ng tig-P1-M at karagdagang P2.5-M. Sa kabuuan nasa P4-M ang tinanggap ng mga ito sa Kamara kabilang ang baong P500,000.

Ang 19 pang atleta bagaman hindi nakapag-uwi ng medalya ay binigyan ng tig-P500,000. Kabilang dito ang pole vaulter na si EJ Obiena na pang-apat sa prestihiyosong kumpetisyon sa sports. Ang mga ito ay una na ring pinabaunan ng P500,000 ng Kamara.

Samantala ang kanilang mga trainor at coach ay binigyan din ng cash prize.

Ang Congressional Medal of Excellence ay iginagawad sa mga Pinoy achievers sa sports, business, medisina, science, sining at kultura. Samantalang sa pinagtibay namang House Resolution 241 ay pinarangalan ang lahat ng mga Pilipinong atleta at ang kabuuan ng Philippine delegation na lumahok sa Paris Olympics.

Show comments