MANILA, Philippines — Higit 12 milyong puno at mangroves ang naitanim ng Philippine Ports Authority (PPA) bilang kontribusyon nito sa paglaban sa isyu ng climate change. Layunin din nito na mapalakas pa ang tree-planting initiative bilang pagtupad sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pasiglahin ang reforestation.
Mula 2020 hanggang July 2024, nakapagtanim na ang PPA ng 12,259,894 na mga puno sa iba’t ibang mga Port Management Offices (PMO) nito sa buong bansa, batay sa sertipikasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa ilalim ng Administrative Order 14-2020 ng PPA, mandatory ang pagtatanim ng mga puno at mangrove bilang requirement sa mga kukuha ng accreditations, certificates of registration (COR), appointments, o mga award, renewal, at maging sa mga extension of contracts.
Ibig sabihin, bago makakuha ng PPA accreditation certificate, COR, permit to operate (PTO), o anumang appointment at service contracts na konektado sa operasyon ng pantalan, ang isang aplikante ay kinakailangan na magtanim ng minimum na 1,000 puno o mangrove seedlings.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ang tree planting initiatives ng PPA ay naglalayon na malabanan ang epekto ng climate change at mga isyung pangkalikasan na nakakaapekto sa buhay ng mga mamamayan.
Nakikipagtulungan ang PPA sa iba’t ibang Community Environment and Natural Resources Offices (CENRO) sa pagtatanim ng 3,000 mangroves at seedlings sa Misamis Oriental, Misamis Occidental, Zamboanga, Agusan, Bicol, at Negros Oriental.
Matatandaan na sa nakaraang mga linggo, nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila ang malalakas na pag-ulan na dala ng bagyo. Dahil dito, nakansela ang pasok sa trabaho at nagdeklara pa ng state of calamity na nakaapekto sa mahigit 13 milyong katao.