MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Secretary Larry Gadon na gumastos ang gobyerno ng “nakakagimbal” na higit sa P500 milyon para sa 433 security detail ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gadon, malaking panghihinayang na magamit ang pondo na sana’y magagamit para pakainin ang nagugutom at tulungan ang mahihirap.
Ani Gadon, ang magarbong paggastos para sa seguridad ng isang tao ay nagpapakita ng malaking pasanin sa pondo ng bayan, isyu ukol sa moralidad at wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Lumilitaw na tumatanggap ng P50,000 kada buwan ang 433 security ni VP Sara sa loob ng dalawang taon, na nangangahulugan ng higit sa ?20 milyon kada buwan, at sa loob ng 24 buwan, ito ay umaabot sa nakakagimbal na ?480 milyon.
Dagdag pa niya, may mga datos na madaling hanapin online na nagpapakita na ang Office of the Vice President (OVP) ay gumastos ng ?55 milyon mula 2022 hanggang 2024 para sa special duty allowances ng mga military at uniformed personnel.
“Ibig sabihin, higit sa kalahating bilyong piso ang ginastos para sa magarbong seguridad ng isang tao, isang halaga na sana’y mas mainam na nailaan sa pagpapatayo ng mga kinakailangang imprastruktura sa paaralan o paglalaan ng pagkain para sa mga tao,” ani Gadon.
Para sa mga taong 2019-2021 o sa panahon ng termino ng nakaraang Bise Presidente, ang OVP ay gumastos lamang ng nakatakdang P5.7 milyon kada taon para sa special duty allowances.
Punto ni Gadon, ang halagang ito ay malayo sa P25 milyong alokasyon ni Duterte para sa parehong mga allowance hanggang sa taong ito.