MANILA, Philippines — Tinawag na “political harassment” ni Vice President Sara Duterte ang ginawang pagbawi ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa 75 tauhan ng Presidential Security Group (PSG), na nakatalaga bilang security detail niya.
Sa kanyang open letter, binigyang-diin ni Duterte na ginawa ni Marbil ang pagbawi sa kanyang security detail matapos siyang magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at kasunod nang paglabas ng isang video, kung saan makikita ang isang lalaki, na kahawig ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na gumagamit ng ilegal na droga.
“Ang relief ng mga PNP personnel ay dumating pagkatapos ko mag-resign sa DepEd, pagkatapos ko inihambing ang SONA sa isang catastrophic event, at pagkatapos lumabas ang cocaine video,” ayon sa liham ni Duterte.
“Let us spare our people from all the lies. Let us call it what it is — a clear case of political harassment,” giit pa niya.
Pinabulaanan niya rin ang sinabi umano ni Marbil na nag-request umano ang OVP na ipu-pull out nila ang 75 PNP personnel dahil sa pangangailangan ng kapulisan sa NCR na kung saan puwede naman daw mag-request ng karagdagan kung kailangan.
“Walang request na nangyari. Sinabihan lamang ng PSPG ang OVP na kukunin nila ang mga personnel. Hindi na kami nakipagtalo dahil ikaw naman ang batas ‘di ba? Kasunod nito ay lumabas na ang Relief Orders sa utos mo. Ito ay base na rin sa dokumento ng PNP,” paliwanag pa ng bise presidente.
Nagpahiwatig naman si Duterte na ang pagbawi ng kanyang security personnel ay naglalagay sa alanganin sa seguridad ng kanyang pamilya.
“Ano ba ang ibig sabihin ng ‘threat’ sa iyo? Ang banta ba ay maaari lamang magmula sa mga external elements? Hindi na ba ‘threat’ kung ang harassment ay nanggagaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno?” tanong ni Duterte. “Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili? Tandaan mo, pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos.”
Una naman nang tiniyak ni Duterte na ang ginawa ng PNP na pagbawi sa kanyang security detail ay hindi makakaapekto sa kanyang trabaho bilang bise presidente.