MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (ACG) sa kampo ni Sen. Sherwin Gatchalian kaugnay ng banta sa kanyang buhay.
Ito’y matapos na humingi ng tulong ang Senador sa PNP dahil sa mga natatanggap na mga death threats dahil sa ginagawang imbestigasyon sa mga iligal na POGO sa bansa.
Sinabi PNP-Public Information Office chief Police Col Jean Fajardo, inaalam na ng ACG ang pinagmulan ng mga banta kay Gatchalian.
Una nang inulat ni Gatchalian sa Pasay City police ang kumakalat na video laban sa kanyang kaligtasan na nagdudulot umano ng takot sa kanilang pamilya.
Buong tapang namang sinabi ni Gatchalian na ilalabas nila ang katotohanan.
Bukod kay Gatchalian, nauna ng nagpatulong ang ilang tauhan ng presidential anti-organized crime commission (PAOCC) sa PNP dahil din sa mga banta sa kanilang buhay matapos ang mga isinagawa nilang raid sa mga iligal na POGO.