Kita ng Pinoy fishermen, bumaba ng 60% sa fishing ban ng China

MANILA, Philippines — Bumaba ng may 60 percent ang kita ng mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal dulot nang ipinatutupad na fishing ban ng China sa may South China Sea na bahagi ng West Philippine Sea.

Sinabi ni Pamalakaya provincial coordinator Joey Marabe sa Zambales, na mula nang magkaroon ng Chinese vessels sa natu­rang karagatan ay hirap na silang makahuli ng lamang dagat tulad ng isda.

Inihalimbawa nito na ang isang operator ng fishing boat sa Zambales na mula sa P10,000 kita sa pangingisda noong wala pa ang fishing vessel ng China, ngayon ay umaabot na lamang ng kulang P4,000 kita sa bawat pagpalaot sa karagatang malapit sa Scarborough Shoal.

“While we don’t expe­rience direct untoward incidents with these huge vessels, their overwhelming presence effectively impedes our regular fishing activities,” sabi ni Marabe.

Anya, nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang samahan sa iba pang fisherfolk operators at samahan sa Pangasinan at La Union para matiyak kung may ganito ring problema sa pangingisda sa kanilang lugar.

Una nang nanawagan ang Pamalakaya kay ­Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aksiyunan ang kanilang problema upang maibsan ang epektong dulot sa kanilang pamumuhay ng presensya ng fishing vessel ng China sa Scarborough.

Show comments