Mahabang pila, sablay na e-gates sa NAIA tatalupan ni Tulfo

Napag-alaman ni Tulfo na madalas ay hindi nababasa ng mga airport e-gates scanners ang mga pasaporte at boarding pass ng mga paparating na pasahero dahilan para mapilitan muli silang pumila para naman sa manual processing kung saan nadodoble ang oras na inilalaan ng pasahero para sa mga counters.
Philstar.com / AJ Bolando, File

MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Sen.Raffy Tulfo ang kalbaryong dinaranas ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan mayroong hindi nakakaabot sa kanilang mga flights.

Napag-alaman ni Tulfo na madalas ay hindi nababasa ng mga airport e-gates scanners ang mga pasaporte at boarding pass ng mga paparating na pasahero dahilan para mapilitan muli silang pumila para naman sa manual processing kung saan nadodoble ang oras na inilalaan ng pasahero para sa mga counters.

Dahil sa ganitong mga delay, hindi nakakasakay ang ilan sa mga pasahero na mayroong mga connecting flight at nagkakaroon din ng komosyon sa airport kung saan mismong mga pasahero na ang nagkakaaway-away minsan dahil sa aberya sa pila.

Sinabi pa ni Tulfo na pareho rin ang dinaranas ng mga departing passengers na hindi umaabot sa kanilang international flights dahil sa pagkahaba-haba ng pila sa immigration screening. Dagdag pa aniya sa kanilang stress ang ilang escalators, walkalators, carousel at mga tubes na hindi gumagana.

Dahil dito, hinimok ni Tulfo ang mga awtoridad sa airport na magpaskil ng signages sa mga Arrival at Departure areas upang ipaalam sa mga pasahero ang kanilang mga karapatan sakaling hindi sila umabot sa kanilang mga flights dahil sa haba ng pila sa immigration at iba pang katulad na problema.

Show comments