MANILA, Philippines — Naghain ng petisyon sa Korte Suprema si dating Caloocan 2nd District representative Edgar Erice para patawan ng contempt si Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Kahapon ay personal na nagtungo si Erice sa SC upang ipetisyon at i-cite for contempt si Garcia matapos nitong sabihin na kapag ibinasura ng SC ang automated election system laban sa MIRU System ay mababalik na sa manu-mano ang halalan.
Ayon kay Erice, hindi dapat na pangunahan ni Garcia ang Supreme Court.
Nakasaad din sa petisyon na tila nais ni Garcia na impluwesiyahan at baguhin ng poll body chair ang opinyon ng publiko hinggil sa isyu ng automated election system.
Una nang naghain ng petisyon si Erice sa SC upang ipawalang bisa at ipatigil ang kontrata ng MIRU System sa Comelec sa midterm election sa 2025.
Dahil dito, sinabi ni Erice na maghahain din siya ng reklamo laban sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee ng Comelec na nag-aprub sa kontrata ng MIRU.
Ani Erice, mas dapat na sagutin ni Garcia ang $15 milyon na umano’y ‘suhol’ para paboran ang nasabing Korean company.