Sens. Bato, Bong Go ‘di kakalas sa PDP

Senator Bato dela Rosa on May 7, 2024.
STAR / Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Walang balak sina Senators Ronald “Bato” Dela Rosa at Bong Go, kapwa mga kaalyado ni dating ­Pangulong Rodrigo Duterte, na kumalas sa PDP-Laban.

Ayon kay Dela Rosa, wala naman siyang ibang pupuntahang partido maliban sa partido ni Duterte.

“Wala ako balak umalis, saan ako pupunta, wala akong iba pupuntahan,” ani Dela Rosa.

Ayon pa kay Dela Rosa, gagamit na lang sila ni Go ng “guerilla style” sa pangangampanya para sa re-election campaign sa 2025 midterm elections.

Inamin ni Dela Rosa na posibleng hindi sila katanggap-tanggap sa tiket ng administrasyon at ng oposisyon na pinamumunuan ng Liberal Party.

Naging kritikal si Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang nagbitiw naman sa posisyon bilang DepEd Secretary si VP Sara Duterte.

“Malabo naman si­guro kaming kakarga ng administrasyon, at hindi rin naman siguro kami acceptable sa opposition. As of now, ‘yung standing opposition ngayon is ‘yung Liberal Party, ‘di ba? Hindi naman kami acceptable doon… sa gitna lang kami, and magsusumikap lang kami. Guerrilla warfare lang kami nito. We just have to do our own guerrilla warfare,” ani Dela Rosa.

Idinagdag ni Dela Rosa na hindi nila ipipilit ni Go ang kanilang sarili sa administrasyon.

“Kung talagang hindi kami acceptable sa administrasyon, hindi kami dadalhin, hindi naman tayo pwede magpumilit, ‘di ba? So we have to diskarte. Diskarte talaga through guerilla warfare,” sabi ni dela Rosa.

Show comments