Ayungin incident ‘di pa ‘act of war’ - PCG

MANILA, Philippines — Hindi pa maituturing na armadong pag-atake o ‘act of war’ ang aksyon ng pwersa ng mga Chinese sa pinakahuling insidente noong Hunyo 17 sa Ayungin Shoal kung saan isa sa Philippine Navy ang naputulan ng daliri, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), sa isang forum nitong Sabado.

Sinabi ni PCG Commodore Jay Tarriela, spokeperson for West Philippine Sea, na hindi dapat ganun tingnan ang nasabing aksyon kahit nai-video ang mga pangyayari na may  hawak na bolo at palakol ang China Coast Guard (CCG) ay hindi naman ginamit habang hinaharang at pinipigilan ang resupply mission ng tropa ng Pinoy.

“Their main objective is not to have an armed attack or an aggression, but rather to prevent the Philippine government from completing the resupply mission. And that is something na masasabi nating there was a wrong interpretation of the real intent of China,” ani Tarriela.

Pinawi rin ni Tarriela ang pangamba na magi­ging simula ito ng digmaan at mag-trigger ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) na nilagdaan ng Pilipinas at ng kaalyadong Estados Unidos.

“Our objective is to resupply, the Chinese objective is to prevent the resupply from happening. That is the only thing that happened there in the resupply mission,” aniya.

Kasunod ito ng naging pahayag Executive Secretary Lucas Bersamin noong Biyernes na wala pang pangangailangan sa MDT at isa lamang misunderstanding o aksidente.

Bagamat kinondena ni Tarriela na ang pagkaputol ng daliri ng isang sundalo ng gobyerno dahil sa insidente, hindi aniya ito dahil sa mga armas ng CCG kundi sa mabilis na pagpapatakbo ng rigid hull inflatable boats (RHIBs).

Show comments