Utol ni Teves arestado sa terorismo

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kahapon ng umaga si dating Negros Oriental governor Pryde Henry Teves bunsod  ng pagkakasangkot  umano sa iba’t ibang terrorist activities.

Ang pagkakadakip kay Teves ay alinsunod sa arrest warrant na inisyu ng Seventh Judicial Region, Branch 74 ng Cebu City noong Mayo 13, 2024 kaugnay ng kasong paglabag sa The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.

May piyansa na P200,000 naman ang inirekomeda ng korte.

Batay sa report, si Teves na kapatid ng pinatalsik na si Negros Oriental representative Arnolfo Teves Jr.,  ay naaresto dakong alas-8:15 ng umaga sa Dumaguete City.

Sinabi ng pulisya na si Teves ay nasa listahan ng mga Most Wanted Persons (MWP) sa ilang lalawigan at rehiyon.

Matatandaang idineklara ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang magkapatid na Teves at 12 iba pa na mga terorista dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilang insidente ng pagpatay at harassment sa Negros Oriental sa mga nakalipas na taon kabilang na ang pagkasawi ni Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4, 2023 at ilang iba pa.

Show comments