MANILA, Philippines — Napauwi dito sa bansa ang isang Filipina at kanyang tatlong anak mula sa Lebanon.
Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) umalis sa Lebanon ang mag-iina noong Hunyo 1 at dumating dito sa bansa noong Hunyo 2.
Base sa ulat, ang Pinay ay isang OFW na dumating sa Lebanon noong 2010 at nakapag-asawa ng Lebanese noong 2012.
Subalit noong pandemic ay nakaranas ng pang-aabusong pisikal at banta sa kanyang buhay matapos mawalan ng trabaho ang kanyang asawa.
Dahil dito kaya humingi ang Pinay ng tulong sa embahada para makauwi dito sa bansa.
Ang Philippine Embassy Assistance -to- National (ATN) section, Migrant Workers Office (MWO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang nag-ayos ng pagpapauwi ng mag-iina dito sa bansa.
Base sa ulat, simula noong 2023, itinaas ng gobyerno ng Pilipinas ang alert level 3 o voluntary repatriation sa Lebanon kung saan 273 distressed Filipino ang napauwi dito ng embahada.