Ex-Wescom chief: ‘Di ako nakipag-deal sa China

MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni ­dating Armed Forces of the Philippines-Western Command Vice Admiral Alberto Carlos na nagkaroon ng usapin hinggil sa “new model” sa Ayungin Shoal.

Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security chairperson tungkol sa sinasabing wiretapping ng pag-uusap sa pagitan ng Chinese Embassy sa Maynila  at ni Carlos, inamin ng opisyal na nakatanggap siya ng tawag sa telepono noong unang bahagi ng Enero mula sa isang Chinese military attaché na kinilala niya bilang Senior Colonel Li.

Sinabi ni Carlos na hindi kailanman naging bahagi ng kanilang pag-uusap na tumagal lamang ng tatlo hanggang limang minuto ang sinasabing “new model” sa paghawak sa isyu ng WPS.

Sinabi pa ng ­opisyal ng AFP na hindi siya nagbigay ng pahintulot o hiningi ang kanyang pahintulot na i-record ang naturang pag-uusap.

Ayon kay Carlos, hindi siya kailanman pumasok sa isang usapan na makokompromiso ang national interest ng Pilipinas.

Sinabi rin ni Carlos na nakahanda siyang isiwalat ang “full details” sa isang executive session.

“I did not forge any agreement at the level and magnitude that would bind our two countries for the long term and redefine foreign policy. I am only the commander of the Western Command and not even of the entire West Philippine Sea,” ani Carlos.

Show comments