MANILA, Philippines — Wala nang babalikan ang nagbakasyong si Vice Admiral Alberto Carlos matapos itong tuluyang tanggalin sa puwesto bilang Commander ng Armed Forces of the Philippines-Western Command (WesCom).
Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, opisyal nang pinalitan si Carlos ni Rear Admiral Alfonso Torres Jr. dahil kritikal ang posisyon ng hepe sa AFP-Wescom.
Una rito naghain ng ‘leave’ si Carlos na nataon naman sa alegasyon ng China na pumayag o nakipagkasundo sa kanila ang opisyal sa kontrobersyal na ‘new model arrangement’ kaugnay ng pangangasiwa sa resupply mission para sa tropa ng Pilipinas sa Ayungin Shoal sa WPS.
Inianunsyo rin ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na nakabakasyon lamang si Carlos at wala itong kinalaman sa ‘new model pact’ kaya maari pa itong makabalik sa kaniyang posisyon.
“The designation of Rear Admiral Alfonso Torres Jr. as Commander of WESCOM is an administrative decision of the AFP,” ani Trinidad.
Ang AFP-Wescom ang may hurisdiksyon na ipagtanggol ang western seaboard ng bansa kabilang ang pinagtatalunang teritoryo sa WPS kung saan sangkot ang China sa harassment at pambu-bully sa mga kaagaw nitong nasyon.
“WESCOM’s critical role requires a fulltime leader that has more years in service in order to provide continuity and strategic direction. We offer our full support to Rear Admiral Torres and we are confident in his ability to lead with distinction,” sabi pa ng opisyal.
Nabatid na retirado na si Carlos noong Disyembre 2023 subalit binigyan ng extension hanggang Disyembre 2024.
Magugunita na isiniwalat ng isang opisyal ng Chinese Embassy ang umano’y inirekord nilang ‘phone conversation’ ni Carlos at ng isang Chinese diplomat hinggil sa kontrobersyal na ‘new model pact’.