MANILA, Philippines — “Authenticity is different from credibility.”
Ito ang binigyan diin ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon kasabay ng kanyang kahilingan kay Senate President Miguel Zubiri na alisin si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bilang chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs.
“Iba ang authenticily sa credibility ... Sabi ni Bato authentic daw ‘yun xerox ng report.. but authenticity refers only to the FORM, office form. Anybody can just fill up an office form and claim it is authentic. Kasi office form, pero iba naman ang credibility, if the superior REJECTS the report for lack of credibility then THERE IS NO REPORT EXISTING!!!!,” ani Gadon.
Nakakatawa umano na pinagbabasehan ni Dela Rosa ang mga “tsismis” nang ipilit nitong iprisinta si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales, na tinawag ni President Bong Bong Marcos na “professional liar” at inihalintulad pa sa isang “jukebox.”
Sa batas aniya, itatapon ng judge ang dokumento dahil pawang mga haka-haka at tsismis ang nilalaman nito at walang personal knowledge. Nasasayang ang pera ng taumbayan gayundin ang oras sa pagdinig na wala namang patutunguhan.
Bukod sa pagtatanggal kay Dela Rosa bilang chairman ng komite, nakiusap din si Gadon na pagbayarin ang senador ng nagastos sa mga nakaraang pagdinig, at ipatigil na ang balak pa nitong pagpapatuloy ng imbestigasyon sa paggamit ng isyu sa droga ng Pangulo.
Nagpahayag din ng panghihinayang si Gadon na kawalan na ng mahuhusay na miyembro ng Senado.