Mayor, kapitan sa Maco, Davao de Oro pinasususpinde sa ‘killer landslide’
MANILA, Philippines — Pinasususpinde ng isang buwan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa utos na rin ni House Speaker Martin Romualdez ang alkalde at isang barangay kapitan ng Maco, Davao de Oro dahil umano sa kanilang kapabayaan sa naganap na landslide sa naturang bayan nitong Pebrero na ikinamatay ng mahigit 100 katao.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig nitong Martes ng House Committee on Disaster Resilience na pinamumunuan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, inirekomenda ni Tulfo na ipasuspinde ng isang buwan sa kanilang pwesto sina Maco, Davao de Oro Mayor Voltaire Rimando at Barangay Masara Chairman Douglas Dumalagan Jr.
Naunang nag-mosyon si Rep. Tulfo na sampahan ng kasong administratibo ang alkalde at barangay chairman pero mariin itong tinutulan ni Cagayan de Oro Rep. Rufuz Rodriguez dahil masyado umanong mabigat ang parusa.
Sinabi ni Rodriguez na dapat daw ay “reprimand’ lang at hindi kasuhan ng kasong administratibo.
Pero hindi pumayag dito si Tulfo dahil naniniwala siyang dapat ay may maparusahan sa insidente dahil mahigit 100 ang namatay.
Sa huli, sinabi ni Tulfo na napagkasunduan nila na sa halip na kasuhan ay suspensyon na lamang ang ipataw na parusa sa alkalde at barangay chairman.
Matatandaan na nitong Pebrero ay aabot sa 104 ang nasawi dahil sa landslide sa Maco matapos ang walang patid na pag-ulan sa lugar.
Ang lugar na pinangyarihan ng landslide ay matagal nang idineklara ng pamahalaan na “no build zone”.
- Latest