MANILA, Philippines — Nagbigay-pugay si Sen. Francis “Tol” Tolentino sa “fishing town” ng Estancia sa lalawigan ng Iloilo, kilala bilang “center for commercial fishing” habang ipinagdiriwang ng bayan ang “Panagat Festival”.
Isang second class municipality, nakuha ng Estancia ang bansag na “center for commercial fishing”, isang terminong ginamit mula noong 1900s kung kailan naitala ang mga pangunahing aktibidad sa komersyal na pangingisda batay sa historical accounts.
“Aking ipinapahayag ang aking taos-pusong pasasalamat at pagkilala sa inyong mga mangingisda. Ang inyong mahalagang kontribusyon sa industriya ng pangisdaan ay hindi lamang nagbibigay-buhay sa inyong mga tahanan, kundi pati na rin sa buong rehiyon at bansa,” sabi ni Tolentino sa pagbubukas ng Panagat Festival.
Itinuturing niyang ang pagdiriwang ng Panagat Festival ay “isang tanglaw ng pag-asa, simbolo ng pagkakaisa, at selebrasyon ng matinding diwa ng mga mangingisda.”
Paalala rin aniya ito sa malalim na ugnayan sa pagitan ng mamamayan at ng dagat— isang koneksyon na nagpapanatili sa ating henerasyon at patuloy na tumutukoy kung sino tayo bilang isang bansa.
Ipinaalala ni Tolentino sa mga mangingisda na huwag kalimutan ang kanilang mga hamon—mula sa pagliit ng stock ng isda hanggang sa kasalukuyang banta ng mga natural na kalamidad na patuloy na naglalagay sa panganib sa kanilang kabuhayan.a
Ipinangako ni Tolentino ang kanyang walang patid na suporta para sa kapakanan at karapatan ng mga mangingisda.
Aniya, ang kanyang tungkulin ay itaguyod ang layunin, palakasin ang mga boses, at tiyaking matatanggap ang pagkilala, paggalang, at mapagkukunang nararapat sa mga mangingisda.