SC: Convicted sa heinous crime, entitled din sa GCTA
MANILA, Philippines — Entitled din umano sa pagpapababa ng sentensiya, sa ilalim ng Republic Act No. 10592 o The New Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ang isang taong convicted sa heinous crimes o mga karumal-dumal na krimen.
Ito ang nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na iniakda ni Supreme Court (SC) Associate Justice Maria Filomena Singh at na-promulgate kamakalawa lamang, Abril 3, 2024.
Batay sa desisyon, natuklasan ng high court na ang Department of Justice (DOJ) ay lumampas sa kanilang ‘power of subordinate legislation’ nang hindi nito isali ang mga taong convicted sa heinous crimes mula sa mga benepisyo ng batas.
Ayon sa SC, invalid ang 2019 Implementing Rules and Regulations ng DOJ dahil ini-expand nito ang sakop ng GCTA nang hindi nito isama ang mga recidivists, habitual delinquents, escapees at mga persons deprived of liberty (PDL) na convicted sa heinous crimes mula sa pagkita ng GCTA credits, gayung hindi ito ginawa mismo ng batas.
Binigyang-diin ng korte na malinaw ang nakasaad sa Article 97 ng RPC, na inamyendahan ng R.A. No. 10592, na ang sinumang nahatulang bilanggo ay may karapatan sa GCTA hangga’t ang bilanggo ay nasa anumang penal institution, rehabilitasyon o detention center o anumang lokal na piitan.
- Latest