DOE specialist suportado ang e-motorycle tax breaks

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng isang espesiyalista ng Department of Energy (DOE) ang kahalagahan ng pagkakaloob ng tax incentives sa e-motorcycles dahil sa napatunayang kontribusyon nito sa pagbabawas ng carbon emissions.

Ayon kay Andre Reyes, isang science research specialist mula sa DOE, ang e-motorcycles ay mahalaga sa pagtulong sa bansa sa paglipat sa electric vehicles dahil ang transportasyon ay patuloy na pangunahing pinagmumulan ng carbon emissions sa bansa.

Partikular na binigyang-diin ni Reyes ang pangangailangan na palawakin ang saklaw ng Executive Order No. 12 series of 2023, na nagkakaloob ng tax breaks sa ilang uri ng EVs. 

Sa ilalim ng kasalukuyang bersiyon ng EO12, ang iba’t ibang uri ng EVs ay tumatanggap ng tax breaks, habang ang e-motorcycles ay pinapatawan pa rin ng 30% tariff rate.

“This proposed coverage expansion will send a clear price signal for consumers to switch to EVs, which are more efficient and cheaper to run per kilometer, and assist in energy self-sufficiency," pahayag ni Reyes sa isang public hearing sa EO12 revision kamakailan.

Samantala, sa datos mula sa DOE ay lumilitaw na ang paggamit ng e-motorcycles ay nakatutulong upang maiwasan ang 8.5 kilograms ng carbon dioxide kumpara sa internal combustion engine (ICE) motorcycles. 

Ang paggamit ng e-motorcycles ay mas episyente rin dahil nagkakahalaga lamang ito ng P0.34 at nakatitipid ng 1.72 litro ng fuel per kilometer kumpara sa ICE counterpart nito, na sumusunog ng P1.20 per kilometer. 

Nais din ng energy department na taasan ang EV fleet ng bansa ng 50%, o karagdagang 2.4 million units.

Ayon sa Statista Research Department, ang motorcyclists ay bumubuo sa tinatayang 7.81 million registered vehicles sa bansa noong 2022, kaya ito ang pinakapopular na uri ng sasakyan sa mga motorista.

Ayon pa sa datos mula sa Statista, ang transportation sector ay responsable sa paglalabas ng 35.42 million tons ng carbon dioxide noong 2022, na nag-ambag sa climate change. 

Isinusulong ng mga stakeholder ang tax cuts upang pabilisin ang pagtutulak sa e-motorcycles, sa gitna ng kanilang malaking kontribusyon sa kapaligiran sa sandaling lumipat ang mga rider sa EVs. 

Ang pagrebisa sa EO12 ay minamandato isang taon makaraang magkabisa ito, at pangungunahan ng Tariff Commission (TC) at National Economic Development Agency (NEDA) ang pagrebyu at public hearings bago isumite ang kanilang rekomendasyon sa Office of the President.

Ang pagrebisa sa EO12 ay pormal na sinimulan sa isang public hearing noong March 13, na dinaluhan ng mga stakeholder mula sa iba’t ibang industriya na nagpahayag ng kanilang suporta sa pagkakaloob ng tax incentives sa e-motorcycles.

Show comments