MANILA, Philippines — Pinagtibay na ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa nitong Miyerkules ng gabi ang panukalang batas para tuluyang tanggalan ng legislative franchise ang Swara Sug Media Corporation na nag-ooperate sa Sonshine Media Network International (SMNI).
Sa botong 284 pabor, 4 tutol at apat na abstain ay ganap na napagtibay ang pagtatanggal sa prangkisa ng SMNI na iniuugnay sa kontrobersyal na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
“On the franchise violations by Sonshine Media Network International (SMNI), we have conducted numerous hearings. After persistent non-compliance and absence at the hearings conducted, the House Committee on Legislative Franchises cited Mr. Quiboloy in contempt on March 12, 2024. This decisive action underscores our commitment to uphold the integrity of broadcasting standards and the public’s trust”, pahayag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ang House Bill (HB) 9710 ay epektibong nagpapawalang bisa sa Republic Act 11423 na nagpalawig sa prangkisa na iginawad sa Suara Sug Media Corp. sa ilalim ng RA 8122 para sa karagdagang 25 prangkisa ng SMNI noong Agosto 2019. Ang nasabing prangkisa ay nakatakda sanang mag-expire sa 2044.
Ang pagbawi ng prangkisa ng SMNI ay bunsod ng pagkakasangkot nito sa serye ng paglabag.
Hindi rin inireport ng Suara Sug Media Corp. ang paglilipat ng non-stock, non-profit corporation sa sole corporation ni Quiboloy noong 2006. Noong 2023 ay inilipat naman ito kay Bro. Marlon Acobo na hindi aprubado ng Kongreso ang transaksyon na isang paglabag sa prangkisa.