MANILA, Philippines — Dalawa sa tatlong pangunahing auspek sa pagpaslang sa broadcaster na sj Juan Jumalon noong Nobyembre 5,2023 ang naaresto na ng mga otoridad.
Sa ulat na natanggap ni PTFoMS Executive Director Usec. Paul M. Gutierrez mula kay Misamis Occidental police director, P/Col. Dwight Monato, nalambat ang dalawa sa isang police operation sa Barangay Poblacion, Sapang Dalaga, ng naturang lalawigan noong Biyernes, Marso 15.
Kinilala ang mga suspek na mag-pinsan na sina Boboy Sagaray Bongcawel, alyas Boboy, 39, binata, ng Purok 2, Brgy Manla, Sapang Dalaga; at Renante Saja Bongcawel, alyas Inteng, 39, may-asawa, mangingisda at residente ng Purok 1, Bgy. Manla.
Nadakip ang mga suspek ng pinagsanib na puwersa ng Calamba at Sapang Dalaga Municipal Police Stations (MPS) sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder at theft na ipinalabas ni Calamba Executive Judge Michael Lotao Ajoc ng Regional Trial Court Branch 36, 10th Judicial Region.
Walang inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Si Boboy ang nakitang nanutok ng baril sa isang empleyado ni Jumalon ng buksan nito ang gate ng bahay ni Jumalon habang si Inteng naman ang drayber ng motorsiklong ginamit nila sa pagtakas.
Tiwala naman si Gutierrez na madarakip din ng SITG DJ Johnny Walker ang gunman na nakilalang si Julito Mangumpit, alyas ‘Ricky.’
Ang resolusyon ng insidente ay isa sa mga prayoridad ng gobyerno batay na rin sa direktiba ni Pang. Marcos Jr. na tiyaking mabigyan ng hustisya ang pamilya ni Jumalon.