4 Pinoy hinatulan sa US sa higit 600 ‘marriage scam’

Para sa green card…

MANILA, Philippines —  Apat na Filipino sa California ang nasentensiyahan sa Boston Fede­ral Court dahil sa kanilang p­agkakasangkot sa malakihang scam at pag-aayos ng mga nandaraya sa kasal para sa green card.

Base sa ulat, ang mga sangkot ay sina Marcia­lito Biol Benitez, 50, Jua­nita Pacson, 48, Engilbert Ulan, 43 at Nino Valmeo, 47, kasama ang pito pa na nahaharap sa conspiracy to commit marriage fraud at immigration document fraud. Si Benitez, na sinasabing lider ng grupo at kanyang mga kasama ay  pawang naninirahan sa LA.

Sila ay nag-ayos ng mga pekeng kasal at naghain ng mahigit sa 600 pekeng aplikasyon para sa U.S. Citizenship and Immigration Services sa pagitan ng Oktubre 2016 at Marso 2022.

Ayon sa U.S. Attorney’s Office, tinulungan ng mga sangkot ang mahigit sa 600 mga kliyente upang makaiwas sa mga batas sa immigration at makakuha ng mga green card.

Bahagi ng scam ang pagkuha ng mga green card sa ilalim ng Violence Against Women Act sa pamamagitan ng maling pag-claim na ang mga hindi dokumentadong babae ay inabuso ng kanilang mga Amerikanong asawa.

Nagpatakbo sila ng isang ahensya na nag-aa­yos ng mga kasal sa pagitan ng mga dayuhang kliyente at mga mamamayan ng US at sumisingil ng $20,000 at $35,000.

Umamin si Benitez na guilty noong Setyembre 2023 at sinentensiyahan noong Marso 7 ng 22 buwang pagkakakulong at 3 taong “supervised release.” Si Pacson ay 2 taong supervised release kung saan ang unang apat na buwan ay home detention habang si Ulan ay 14 buwang pagkakulong at 3 taon ng supervised release.

Si Valmeo ay hinatulan ng 3 taong supervised release kung saan ang unang anim na buwan ay home confinement.

Show comments