Barko ng Pinas, China nagbanggaan: 4 sugatan
MANILA, Philippines — Apat katao ang sugatan nang bombahin ng tubig ng dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) ang bangka ng Pilipinas habang nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, kahapon ng umaga.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), nabasag ang windshield ng Unaizah May 4 dahil sa ginawang pagbomba dito ng mga barko ng CCG, na nagresulta sa pagkasugat ng apat na tripulanteng sakay nito.
Ang mga hindi pinangalanang tripulanteng Pinoy ay kaagad namang nalapatan ng lunas ng mga tripulanteng sakay ng BRP Sindangan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Kaugnay nito, binatikos ng NTF-WPS ang anila’y “unprovoked acts of coercion and dangerous maneuvers” ng CCG laban sa mga barko ng Pilipinas na naglagay anila sa panganib sa buhay ng mga Pinoy na sakay nito.
“The systematic and consistent manner in which the People’s Republic of China carries out these illegal and irresponsible actions puts into question the sincerity of its calls for peaceful dialogue and lessening of tensions,” ayon sa kalatas.
Ayon naman kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, ang insidente ay naganap kahapon ng umaga habang nagsasagawa ng rotation at reprovisioning operation (Rore) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa WPS.
Unang naglayag ang dalawang civilian contracted vessels na Unaizah May 1 at Unaizah May 4 upang magsagawa ng Rore sa BRP Sierra Madre sa WPS. Ang mga ito ay sinamahan at sinuportahan naman ng BRP Cabra at BRP Sindangan.
Pagsapit umano ng alas-6:32 ng umaga ay nagsagawa na umano ng dangerous blocking maneuvers ang CCG vessel 21555 laban sa BRP Sindangan, na nagresulta sa minor collision at pagtatamo ng naturang barko ng “superficial structural damage.”
Dakong alas-8:15 ng umaga ay isa pang barko ng CCG ang nagsagawa rin ng dangerous blocking maneuver laban sa Unaizah May 4, na nagresulta rin sa minor collision.
Magkasunod rin umanong binomba ng tubig ng mga CCG vessels 21555 at 21551 ang Unaizah May 4, na siyang nagresulta sa pinsala sa barko at pagkasugat sa mga tripulante nito.
Dahil dito, napilitang umikot at bumalik na sa mainland Palawan ang Unaizah May 4, na ineskortan naman ng BRP Sindangan.
Matagumpay naman umanong nakarating at nakapaghatid ng suplay sa BRP Sierra Madre ang isa pang resupply boat na Unaizah May 1 dakong alas-9:30 umaga. Nakumpleto nito ang kanilang misyon dakong alas-10:45 ng umaga.
Pagtiyak naman ng NTF-WPS, “The Philippines, for its part, continues to act peacefully and responsibly, consistent with international law, particularly UNCLOS and the legally binding 2016 Arbitral Award. Peace and stability cannot be achieved without due regard for the legitimate, well-established, and legally settled rights of others.”
- Latest