MANILA, Philippines — Nagsalang ng sariling Resolution of Both Houses ang Kamara para talakayin nito ang pag-amyenda ng mga economic provisions ng 1987 Constitution bilang kabahagi ng Constituent Assembly kasabay ng Senado.
Ang RBH 7 ng Kamara ay kahalintulad ng RBH 6 ng Senado na layuning amyendahan lamang ang ilang economic provisions ng Konstitusyon at hindi sakop ang political provisions na pinangangambahan ng nakararaming Pilipino.
Ang RBH 7 ay inihain nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe bago magsimula ang sesyon sa plenaryo kahapon.
“Malinaw ang aming pakay sa paghain ng RBH 7. Sundan ang ginawa ng Senado sa paghain nila ng RBH 6 para mapalawak ang diskusyon ng constitutional reforms at gawin ito ng dalawang chambers bilang Constituent Assembly,” paliwanag ni Dalipe.
“Inaasahan namin na mapapabilis ang pag-apruba nito dahil walang pagkakaiba ang mga nilalaman ng aming RBH 7 sa RBH 6 ng Senado,” diin pa ng Majority Leader.
Nakatuon ang mga pagbabago sa tatlong pangunahing lugar: Pambansang Kayamanan at Ekonomiya, Edukasyon, Agham at Teknolohiya, Sining, Kultura, at Palakasan, at Pangkalahatang Probisyon.
“Ang mahahalagang pagbabago na ito ay naglalayong payagan ang mas malaking partisipasyon ng dayuhang puhunan sa ilang piling sektor sa ilalim ng reguladong kondisyon,” paliwanag naman ni Gonzales.
Ayon naman kay Suarez, binibigyang-diin ng resolusyon ang kahalagahan ng pag-adapt sa mga patakaran pang-ekonomiya ng Pilipinas batay sa kasalukuyang tanawin ng mundo nang hindi isinasakripisyo ang patakarang Filipino-first na naging gabay sa pag-unlad ng bansa.
“Binibigyang diin nito ang pangangailangan para sa mga batang Pilipino na magkaroon ng access sa pinakamahusay na mga institusyong pang-edukasyon at para sa bansa na maging mas kaakit-akit na destinasyon para sa dayuhang direktang pamumuhunan, partikular na sa industriya ng advertising,” dagdag pa ni Suarez.