Duterte itinutulak ihiwalay Mindanao sa Pilipinas para 'maisalba sa ICC' — solon

This video grab taken on January 28, 2024 shows Philippine former president Rodrigo Duterte addressing supporters at a rally in Davao City, in Mindanao island. Supporters of Philippine President Ferdinand Marcos and his predecessor Rodrigo Duterte were set to hold rival rallies on January 28, as a battle over the country's constitution highlighted a deepening rift between the powerful clans.
AFP/Ferdinandh Cabrera

MANILA, Philippines — Kwinestyon ng isang progresibo sa Kamara ang biglaang kampanya para ihiwalay sa Pilipinas ang Mindanao, bagay na posible raw magamit laban sa imbestigasyon sa madugong "war on drugs" ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan lang kasi nang ilatag ni Digong ang ideya ng Mindanao secession, ito matapos niyang paratangang "bangag" at "adik" si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

"Nakakapagtaka ang timing nito. Bakit hindi ito pinanawagan ni Duterte habang pangulo palang siya? Ngayon lang niya naisip gawin ito dahil wala na siya sa kapangyarihan at nagugunaw na ang alyansa nila sa mga Marcos," ayon kay Kabataan Rep. Raoul Manuel ngayong Huwebes.

"Sa katunayan, nais lang gawing escape bunker ng mga Duterte ang Mindanao sa panahong tugisin na sila sa [International Criminal Court] kapag umusad ang imbestigasyon at nahatulan sila sa kanilang mga krimen sa mamamayang Pilipino."

Una nang pinahintulutan ng ICC na gumulong ang imbestisyon sa reklamong "crimes against humanity" kaugnay ng drug-related killings sa Pilipinas, bagay na umabot sa higit 6,000 hanggang 30,000 noong panahon ni Digong. Ang ilan sa mga napatay, napatunayang tinaniman lang ng ebidensya.

Kamakailan lang nang kontakin ng ICC ang dating tauhan ni Duterte na si SPO4 Arturo Lascanas, isang aminadong miyembro ng Davao Death Squad na sangkot daw sa mga pagpatay sa lungsod simula pa 1988.

"Imbes na humarap at linisin ang kanilang pangalan, 'di lang sila tatakbo pero maghahasik pa ng gulo sa bansa."

"'Di naman sasagutin ng pagkalas sa Pilipinas ang mga problema ng Mindanao sa kahirapan, armadong tunggalian, pandarambong sa kalikasan at iba pa. Tulad ng People’s Initiative at Charter Change, ang nilulutong Mindanao Secession plan ni Rodrigo Duterte ay pansariling pakana lamang."

'Mindanao mayaman pero iba nakikinabang'

Una nang ipinaliwanag ni Duterte na nanggaling ang kanyang kagustuhang ihiwalay ang Mindanao — lugar kung saan siya nakatira — dahil sa hindi nito pag-unlad sa kabila ng pagkarami-raming naihalal na presidente.

Dagdag pa niya, tiwala siyang kayang makatayo ng Mindanao sa sarili nitong paa.

"We have everything and yet we give all our resources (to the Visayas and Luzon). Mindanao is rich," sabi ng dating pangulo.

"But of course, if we separate and become independent and the Filipinos will come here, it’s going to be a problem. But you can come here. Mga taga-Luzon at Visayas, we will not deny you."

Dagdag pa niya wala siyang planong tumakbo sa isa pang political post at magiging isang advisor kung sakaling matupad ang pangarap niyang independent Mindanao.

Nais din daw nilang gamiting ehemplo ang Singapore sa planong paghihiwalay sa Pilipinas. Aniya, pwede ito dahil sa proseso ng United Nations sa pamamagitan ng pangangalap ng mga pirma mula sa mga taga-Mindanao.

"Singapore has one asset – good governance, and we have lots of good leaders in Mindanao who know how to run a government," suhay ni Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez.

Imbis na paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas, idiniin ni Raoul na mas kailangan ng naturang pulo at buong Pilipinas ang pamamahagi ng lupa sa magsasaka (repormang agrayo), pagtatayo ng industriya at mas maayos na serbisyong panlipunan.

Show comments