MANILA, Philippines — Hindi nakikipag-ugnayan ang Department of Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensiya na nasa ilalim nito sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) na umano’y dumating na dito sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na sa kanyang pagkakaalam ay walang komunikasyon ang kanyang tanggapan at maging ang Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan na nasa ilalim ng kanyang pamamahala sa ICC investigators.
Ang sagot ni Abalos ay tugon sa tanong tungkol sa ulat na tapos nang mangalap ng ebidensya ang ICC tungkol sa drug war ng administrasyong Duterte.
“As far as our office is concerned, the DILG, I have no knowledge about this. There’s no communication with them, nothing at all,” giit pa ng kalihim.
Nauna na rin sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV, na nakakuha na ng impormasyon ang ICC na dumating sa bansa noong Disyembre at inaasahan na mag-iisyu na ng warrant of arrest laban sa dating presidente.
Muli naman nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi tutulong ang gobyerno sa ICC investigation dahil itinuturing niyang banta sa soberenya ng Pilipinas ang panghihimasok nito sa bansa.